matagal na akong hindi nakakapag sulat at siguradong interesado ang bagay na nagtulak sa akin na magsulat ngayon.
nagsimula ang araw ko sa paghahatid ng mga regalo sa times plaza at sa opisina ni pgm winston garcia ng gsis. nilipat na pala yung opisina niya pansamantala mula sa gsis building tungo sa secretariat building. nag oopisina siya ngayon sa dating opisina ng bise presidente ng pilipinas na lumipat naman sa pnb. nakakatuwa na nakakalungkot. ang astig ng lugar, lugar na hindi pwedeng makapasok ang simpleng mamamayang pilipino nang hindi dumadaan sa mapang matang paningin ng mga guwardiya. daig pa ang mga 5 star hotel. ang nakakainis na parte ay ang grabeng pag aaksaya ng kuryente. kung ang sm nga eh nagtitipid ng kuryente at nagpapatay ng escalator yung opisina pa kaya ng gobyerno? pero hindi eh. si henri sy na sobrang yaman ay nagtitipid samantalang ang gobyerno na puro utang at hindi pa nila pera (kundi pera ng sambayanang pilipino) eh hindi nagtitipid. buong araw nakabukas ang escalator na hindi aabot ng 500 tao ang gagamit sa isang araw. kakainis talaga magwaldas. naalala ko tuloy bigla yung bill ng kuryente ng UP manila. sa lahat ng hindi nakakaalam kalahating milyon po ang bill ng kuryente ng CAS. ano nga ba ang karapatang kong magalit kung sa bakuran ko mismo may mga nabubulok na basura.
nang matapos ang pagdedeliver ng mga regalo pumunta kami sa isang Christmas party sa cocogen isang non life insurance company. tamang tama kasi gutom na ako pero bago ako makarating dun tila nag city hopping pa kami. mula quezon city/bahay papuntang times/manila deretsong secretariat building/pasay papuntang edsa/makati at dahil matrapik dumaan pa kaming mandaluyong at san juan hanggang pabalik sa timog quezon city. pero sulit naman ang lahat ng makarating sa kainan. alam mo naman tayong pinoy. sulit ang lahat ng pagod basta kainan na. nakisali din ako sa games nila na sa sinawing palad ay hindi nanalo. ang tatanda na kasi nung mga kakampi ko. talo tuloy. hehe. pero bago pa matapos ang party kailangan na namaing umalis dahil meron pa kaming isa pang kainang pupuntahan. kung yung kinain ko na chicken, dinuguan, siomai, pancit, siopao at "caldereta ata" ay miryenda pa lang hintayin niyo kung ano pa ang dinner.
hindi naman kalayuan ang next pit stop. kailangan lang namin tumawid ng kalsada at andun na ang main event. sa isang restaurant sa may timog spring deer ata yung pangalan na seafoods ang specialty. nakaka aliw kasi first time kong kumain sa isang private room ng restaurant. nakakatuwa parang sobrang super to the highest level ang sosyalan. sagot kasi ng isang congressman from cebu. papasok ka sa restaurant tapos makikita mo yung mga kumain (andaming intsik) at hindi ka kakain kasama nila dahil sa private room ka kakain while rubbing elbows with mr. congressman. pag pasok merong dalawang mesa. umupo kami, nakipagkwentuhan konti at nagsimulang kumain ng appitizer na hipon sa mesa. appitizer pa lang yun. tapos sunod sunod nang dumating ang masusustansyang seafoods ang alimasag, hipon ata ulit, lapu-lapu, fried rice at ang not so healthy na brocolli. dahil alam kong galing sa kaban nang bayan ang ipangbabayad dun kumain na ako ng todo-todo, ikanain ko ang lahat ng kababayan kong pilipino. isipin niyo na lang nakabawi na kayo sa buwis na binabayad niyo. nang mabusog na ang lahat (maraming natira) masaya na naman ako na malungkot. masaya kasi busog at malungkot dahil umabot ng 1*,*** yung pagkain. naisip ko ang daming pilipinong nagugutom ngayon tapos isang hapunan lang pala ng ilang pilipino ito. pero bago pa magunaw ang mundo sa kalungkutan ko namigay ng pamasko si congressman naka envelope. mukhang hinati niya sa mga envelope ang dating nasa paper bag. *wink wink* naabutan din ako ng isa. nakaka aliw sarap mamasko sa batasang pambansa kung hindi lang sana pera ng taong bayan ang ipapamigay nila. para hindi mabigat sa konsensya isipin na lang natin na yun yung buwis na ibinayad ng tatay ko. pinapakinabangan ko lang. ang laman ng envelope ay... clue: tatlong zero.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment