bilang isang "mabuting" estudyante ng pilipinas nararamdaman ko na kailangan makiisa ako sa hakbang na ginagawa ng iba pang estudyante ng pamantasan ng pilipinas. kinabukasan din ko din naman ang ipinaglalaban dito at pati ng susunod na henerasyon. ayaw ko naman na tatanda ako na si gloria parin ang presidente natin.
nagsimula ang lahat sa bulong-bulungan. mag walk out daw sa klase bilang paghahanda sa anibersaryo ng edsa sa darating na feb 25. siyempre gusto kong sumama. hindi dahil may exam kami. kundi tulad nga ng nakasulat sa itaas. isa akong mabuting estudyante ng pilipinas. inuulit ko, hindi dahil may exam kami. habang naghihintay sa may classroom (one hour early) pinaplano ko na ang gagawing hakbang para makalusot sa exam. pero sa huling segundo isinuko ko na ang lahat. bilang mas mabuting estudyante ng pilipinas naisip ko na dapat mag exam ako. ang pag kuha ng exam ko ang dahilan kung bakit nagbabayad ng buwis ang mamamayang pilipino. pero nung dumating ang propesor namin, sabay sabay na sumigaw ng "walk out sa klase" ang mga kaklase ko. palibhasa mga hindi nag aral sa exam. pero ano pa nga ba? nanaig ang mga gustong mag walk out. may pagpipilian pa nga ba ako? kaya kahit gusto ko mag exam, mabigat ang loob akong sumama sa rally. naglakad kami papalayo ng room habang sumisigaw ng walk out sa klase. pag dating sa tapat ng pgh kung nasaan ang ilang kamag aral na nag walk out din sa klase nila. ok na sana ang lahat. marami akong natutunan. natutunan ko ang napakaraming chant sa rally, natutunan ko na andami kong mga classmate sa ibang subject ang sumama sa rally at natutunan ko kung ano ang handang gawin ng isang estudyante para ma postpone ang exams.
nagmartsa kami mula pgh hanggang kalaw. natutunan ko na kung magiging aktibista ako papayat pala ako. natutunan ko rin na pwede kang tumawid kahit stop ang ilaw. basta nagrarally kayo. at natutunan ko rin na kailangan niyong tumakbo kung tatawid ng intersection. pagdating sa kalaw andun na naghihintay ang iba pang grupo ng rallyista ang naghihintay. nagsindi ng kandila. dahil sabi ng media. kumanta ng bayan ko. kasi uso ata. at pagdating ng mga alas sais umalis na kami. madilim na kasi.
(may mga ilang bagay na nangyari na hindi ko na ikukwento)
at kumain kami ng hapunan sa chowking. dahil ubos na ang pera yung wanton noodles lang ang inorder ko. humingi pa ako ng piso kay riki kasi 51 pesos yun. at para sulit talaga. humingi pa kami ng libreng sabaw. pag dating nung order bago pa namin maubos ang kinakain humingi pa ulit kami ng sabaw. nalugi ata yung chowking samin. matapos mabusog sa sabaw, umuwi na din kami. pero tignan mo nga naman ang kalikasan. ang bilis ng karma. dahil sa pagiging tirador ng sabaw bigla ko na lang naramdamang bumigat ang pantog ko. nakasakay na ako ng bus at pauwi na. wala na ding pera. inisip ko na titiisin ko na lang hanggang makauwi. pero kulang kulang 25km mula sa sinakyan ko ng bus hanggang sa bahay namin. sa haba ng biyahe at sa bigat ng pantog napag desisyunan kong bumaba sa philcoa. pagdating sa philcoa dumeretso ako sa chowking, lugar na alam ko kung saan ang cr. pagdating sa cr anak ng tinapay. naka lock ang pinto at merong nakapila bago ako. malamang hindi ihi ang ginawa ng lalaking ginawa sa loob dahil kung umihi siya isang drum ang nilabas niya sigurado. dahil sa bigat ng bitbit ko sa bandang puson ko umupo muna ako sa isang upuan na malapit sa cr. umalis na yung nasa unahan ko. ok na sana kasi ako na yung susunod. pero tignan mo nga naman ang malas pag nasa panig mo, nang lumabas ang lalaki sa cr biglang may lalaking sumulpot sa kung saan at dumerederetso sa cr. lalaki na pinanganak ata para pahirapan ako. dahil sa inis ko. kinatok ko siya ng kinatok sa banyo hanggang lumabas siya. parang isang scene sa action film kulang na lang sumigaw ako ng napapaligiran na kita lumabas ka na diyan. hindi nagtagal sumoko din siya at lumabas ng cr. hindi ko na hinitay na makalabas siya at pumasok na ako sa loob. inilabas ko na ang lahat ng sama ng loob ko ng mabigyan ako ng pagkakataon. pero ano ito? sa pagmamadali ko hindi ko na lock ang pinto. at alam niyo na siguro ang susunod na nangyari. malamang nakita niyang may tao at isinara niyang muli ang pinto at naghintay sa labas. yun sana ang nangyari. pero hindi. pumasok siya sa loob at umihi sa toilet na katabi ng urinal na iniihian ko. ngayon naniniwala na ako na mala brokeback talaga ang itsura ko. pero hindi ko na inisip yun ang importante naririnig ko nang umaawit ang mga anghel sa bawat paglabas ng likido sa katawan ko. ng matapos umalis na ako at hindi na muling lumingon, magpakailanman
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment